Magandang araw po,
sa kagalang galang na administrasyon ng MIRIAM COLLEGE
Sa Pangulo ng Kolehiyo , Dr. Maria Regina Lucia M. Lizares,
at mga Konseho ng Pangulo,
Sa minamahal nating Punong-Guro, Bb. Amabelle M. Carino
Mga Tagapag-ugnay,
At mga Guro ng Sentro ng Pagpapaunlad ng Kasanayan at Edukasyong Teknikal,
Mga opisyal ng Maryknoll-Miriam College Alumni Association,
Mga Magulang, Bisita, at mga Magsisipagtapos,
Ikinararangal ko ang maimbitahan at maging bahagi ng mahalagang araw na ito, ang araw ng inyong pagtatapos.
Marahil, karamihan sa inyo ay may kwentong pagpupunyagi bago marating ang yugto na ito. Hindi lang tungkol sa pagpa-sa sa mga pagsusulit o pagkumpleto ng requirements. Kasama na dito ang pagbangon sa mga araw ng matinding pagod, kaguluhan, o walang kasiguruhan kung kakayanin pa. Mga kuwentong patuloy na pag-usad kahit walang malinaw na direksyon, kahit may mabigat na karga na tahimik pinapasan –
Tulad ng pagsabayin ang pag-aaral at responsibilidad sa pamilya; problemang pinansyal; pagdadalawang isip o kalitohan na hindi ninyo maibahagi sa iba.
Pero ano’t -ano pa man ang hamon na dumating – ANG MAHALAGA AY NARITO NA KAYO NGAYON.
At para sa mga magulang at pamilya—NGAYONG ARAW AY PARA RIN SA INYO. Kayo na nag-sakripisyo, nag-adjust, sumuporta, at araw-araw ring bumabangon, maski man may karamdaman at mga oras na nag-aalala, pinanghinaan ng loob —PERO DI SUMUKO.
Kung kaya ang araw na ito ay hindi lang isang seremonya; bagkus, ito ay ang inyong pinagsamang tagumpay, isang patunay kung ano ang tunay na tiyaga—na hindi ito maingay at ma-drama, kundi tahimik. Yung paulit-ulit na bumabangon at hindi sumusuko maski ano ang mangyari.
Gaya ninyo, hindi lang minsan ako nakaranas ng pagsubok, kung kaya hayaan ninyo akong magbahagi ng kuwentong buhay ko.
Galing ako sa isang simpleng pamilya. Bunso ako sa anim na magkakapatid, at tanging ang tatay ko lang ang naghahanap-buhay noon.
Sa edad na 17 years old, freshman sa University of the Philippines College of Dentistry, pumanaw ang aming Daddy dahil sa kanser.
Biglaan. Masakit. Nagluksa ako—pero sa ilalim ng lungkot, may isa pang pakiramdam na hindi ko maikaila: ang TAKOT.
Kasi, ang mga kapatid ko ay may kanya-kanya ng buhay. Naiwan kaming dalawa ng aking Mommy, na isang maybahay na ini-alay ang buhay niya sa pag-aalaga sa amin. Kaya habang ako ay nagdadalamhati, may tanong na paulit-ulit sa isip ko: PAANO NA KAMI?
Matatapos ko pa kaya ang pag-aaral ko gayong halos naubos ang aming finances sa medical bills ng aking ama?
Doon nabuo ang loob ko na mag-desisyon, at sinabi sa aking sarili na: NANDITO NA AKO. Nabigyan na ako ng pagkakataon na mag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas, GAGAWIN KO ANG LAHAT PARA MAKAPAGTAPOS.
Pero aaminin ko—may panahon na hindi ako sigurado kung para sa akin ang pagiging dentista. May bahagi sa akin na gustong mag-shift ng kurso . Naaakit ako Talaga sa HRM-Hotel and Restaurant Management. Iniisip ko kung paano magsimula ulit, kung susundin ko ang tawag ng kursong gusto kong subukan. Pero alam ko rin ang kapalit nito: mas maraming oras at may dagdag gastos. Mas mabigat na pasanin para sa aking ina—na ginagawa na ang lahat para lang mapagpatuloy ko ang pag-aaral ako.
Kung kaya nag-desisyon akong manatili sa dentistry. Hindi dahil madali. Hindi dahil sigurado ako. Kundi dahil minsan, ang pinaka-responsable at mapagmahal na desisyon ay hindi yung pinaka-exciting—kundi yung nagpapahintulot sa’yo na magpatuloy, gamit kung anong meron ka, kung nasaan ka.
Kahit araw-araw akong bumibiyahe mula sa Frisco sa QC, hanggang Padre Faura, Maynila. Kahit kulang sa tulog. Kahit paulit-ulit na practice.
Kahit gumagala sa kalye ng Maynila para maghanap ng pasyente para lang makumpleto ang requirements.
Kahit lumulusong sa baha kung tag-ulan para maka pasok sa clinic at manggamot ng pasyente.
Nagsimula kaming 150 na estudyante noong first year, at noong kami’y nagtapos, labing-isa na lang kami. Hindi lang ako tinuruan ng University of the Philippines kung paano gamitin ang husay ng aking mga kamay at isip. Doon ko rin natutunan ang tapang na magpatuloy—ang magsikap kahit mahirap.
Ngunit higit pa roon, binuksan ng Philippine General Hospital ang aking mga mata. Sa bawat pasyenteng aking nakilala, nakita ko ang tunay na kalagayan ng marami—ang kakulangan, ang pangangailangan, at ang tahimik na pag-asa na may tutulong. Doon ko mas naunawaan ang TAWAG , isang HAMON, —ito ay panawagan upang maglingkod.
At ang panawagang iyon ay hindi bago sa akin. Mas maaga pa, hinubog na ito ng ating minamahal na ALMA MATER , ang Miriam College. DITO ko unang natutunan na ang tunay na tagumpay ay nasusukat hindi sa kung ano ang iyong nararating, kundi sa kung paano mo ginagamit ang iyong kakayahan para sa kapakanan ng iba. Ang mission ng MARYKNOLL sisters.
Gumawa ako ng unang hakbang.
Noong 2006, sinimulan ko ang JUANA, isang clothing company na may simpleng layunin: Gumawa ng maganda at makabuluhang disenyo sa abot kayang halaga para sa mga kababaihan. Inintindi ko ang kanyang buhay—ang araw-araw niyang ginagawa, ang kanyang responsibilidad—at isinalin ko iyon sa kanyang pananamit.
At doon ko naunawaan—KAPAG MAY MALASAKIT KA SA GINAGAWA MO, hindi na lang ito basta negosyo— NAGIGING PAGKAKATAON ITO SA IBA.
Mahigit 500 na mananahi at mga katuwang ang nabigyan ng kabuhayan. Naging 100 ang empleyado naming sa 22 retail stores. At sa aking palagay, maraming kababaihan ang naging masaya at nakaramdam na gumanda sila tuwing suot nila ang JUANA.
Kalaunan, nangarap ulit ako. Sa pagkakataon na ito, ginusto ko naman sundin ang tawag ng puso ko, ang maging magaling na kusinera. Kung kaya ako ay nag-aral ulit – cookery, pastry, at baking.
Tahimik lang. Araw-araw. Paunti-unti. Practice ng practice.
Hanggang sa mabuo ang isang bagong pangarap—ang Esmeralda KITCHEN, isang restaurant na ang misyon ay maging pangunahin sa Filipino comfort food dahil sa malikhaing lalim ng sarap dahil sa malasakit na ginugugol sa bawat produktong nililikha.
Target ko sana magbubukas ng Hunyo 2020. Halos naka-kasa na ang lahat pero nag lock down ng Marso. Naantala lahat ang plano. Natakot ulit ako. Umabot sa puntong gusto ko nang sumuko. PERO, PINILIT KONG LUMABAN.
Binalikan ko kung anong meron ako – na meron akong kakayahan mag-bake, at meron akong suporta ng pamilya ko. Sa sariling bahay namin, tulong-tulong kami ng pamilya ko gumawa ng tinapay, at nagbenta kami sa Viber group ng village habang naka-lockdown.
Kahit sa bahay lamang, araw-araw, bumabangon ako ng alas-sais ng umaga para mag bake ng tinapay. Natutong maging panadero ang mga anak ko. Ang asawa ko naman ang naging delivery man. Nagulat nalang ako at buong village na namin ay bumibili na ng mga tinapay at pies na ginagawa namin sa bahay. Kalaunan, pati na mga iba pang villages ay nag-oorder na rin. Dahil sa pag tangkilik ng aking mga customers, tumibay ang loob ko at nagkasigla na tama ang aking ginagawa.
Unti-unting lumago, nagkaroon na rin ng iba pang mga produkto at kalaunan pati na din party food trays ang tinangkilik ng mga customers.
At noong Nobyembre 2021, nagbukas na ang restaurant, ang Esmeralda Kitchen.
Ika-5 taon na naming ngayon at may dalawang branches na kami.
Ang lagi kong sinasabi sa team ko:
Walang komplikadong formula para mapalago ang aming kabuhayan
Ibigay mo lang ang BEST mo sa ating gawain; Magluto ka nang may PUSO.
Mag-MALASAKIT SA ISA’T ISA, at isa-alang-alang sa isipan, ang KAPAKANAN NG KAKAIN, ang ating mga customers.
Araw araw, paulit-ulit ako sa disiplinang ito sa lahat.
At sa simpleng paraang iyon—nakilala kami ng Michelin Guide bilang isa sa 108 restaurants na pinarangalan sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon para sa taong 2026.
Pero higit sa pagkilala, naniniwala ako na ito ang pinaka mahalaga:
Natagpuan kami—hindi dahil perpekto kami—kundi dahil gumagawa kami nang may pagmamahal, nagmamalasakit kami sa isa’t isa, at naglilingkod kami ng buong puso
Sa inyong lahat na nagsisipagtapos—
Habang kayo’y hahakbang palabas ng paaralang ito, dala ninyo hindi lang ang diploma—dala ninyo ang kuwento ng pagbangon, ng pagpupursige, ng hindi pagsuko na kailan hindi naging madali.
Kaya ito ang hamon na nais kong iwan sa inyo:
Piliin ninyong maging lider na may puso.
Hindi ito tungkol sa titulo. Hindi ito tungkol sa kapangyarihan.
Ang tunay na pamumuno ay nasusukat sa araw-araw— sa pagpili ng tama kahit mahirap,
sa pag-akay kahit pagod ka na, sa pagtayo hindi lang para sa sarili, kundi para sa iba.
Ginagawa ninyo ito noon pa man. Sa pagtulong sa pamilya. Sa pagdadala ng responsibilidad nang tahimik. Sa pagiging matatag kahit walang nakakakita.
At ngayon, mas kailangan kayo ng mundo:
Mamuno kayo—hindi sa lakas ng boses, kundi sa lalim ng malasakit.
Mamuno kayo—hindi para manguna, kundi para magbukas ng daan para sa iba.
At saan man kayo makarating, huwag ninyong kalimutan kung saan kayo nagsimula—dahil doon ninyo unang natutunan kung paano maging matibay, at kung paano magmahal nang totoo.
At higit sa lahat—Maging liwanag kayo.
Hindi ninyo kailangang maging pambihira para makagawa ng pagbabago.
Hindi ninyo kailangang hintayin ang tamang oras o perpektong pagkakataon.
Minsan, sapat na ang manatiling totoo, manatiling mabuti, at manatiling handang tumulong.
Sa inyong tahanan. Sa trabaho. Sa komunidad.
Maging liwanag sa simpleng paraan—sa isang mabuting salita,
sa isang tapat na gawa, sa isang taong piniling hindi iwanan.
Dahil ang liwanag, kahit gaano kaliit, kapag pinili ninyong panatilihin—
kayang magbukas ng landas, kayang magbigay ng pag-asa,
kayang magbago ng buhay—hindi lang ng iba, kundi pati ng sa inyo.
Kaya saan man kayo dalhin ng buhay—
bitbit ninyo ang tapang na inyong hinubog,
ang puso na inyong pinanday,
at ang liwanag na kayo mismo ang lumikha.
Binabati ko kayo, klase ng 2026
Sentro ng pagpapaunlad ng kasanayan at edukasyong teknikal
Humayo kayo. Maglingkod ! At patuloy ninyong patunayan—
Na kahit saan ka magsimula, may kapangyarihan kang magbago ng mundo.
Magandang umaga po sa inyong lahat, at marami pong salamat!
BIONOTE




